The Untold Story of my Life and Career: A Speech delivered during the K-12 Graduation Ceremony

April 5, 2018 when I was invited to speak before the first ever K-12 Graduation Ceremony with the threme, "K-12 Learners: Ready to Face Life's Challenges"  at Dilasag National High School, Dilasag, Aurora


The Uncut Speech



Thank you very much Dr. Amon for that one-of-a-kind introduction.

You really lifted my self-confidence to speak before the audience of these very lucky and brilliant individuals. 

Prior to this special occasion, I am hesitant to accept the invitation dahil kapipirma ko lang ng kontrata sa Malaysia for 3 years work and at the same time, I am not sure If I have something to share with these graduating students na kapupulutan nila ng aral at inspirasyon. 

I hope I will be able to inspire you dear students and those who are here today.

To Dr. Joel S. Amon, our Secondary School Principal, Mrs. Karen M. Garcia, our Public Schools District Supervisor, Grade 12 Advisers, Teachers, Parents, distinguished guest, Graduating Students, Ladies and Gentlemen. A pleasant morning to all of you.

I am greatly honored and flattered to have been asked to speak before this first ever K-12 Graduation Ceremony. Congratulations to all of you. You all deserved it. Palakpakan po natin ang inyong sarili. You should be very proud of yourself for accomplishing this rigorous steps of your career.

I know that you are all excited to receive your diploma which will become your passport to reach more advance career and goals.  

Ngunit hindi sa entabladong ito magtatapos ang inyong pakikipagsapalaran at pagsisikap, bagkus ito ay magbubukas sa mas kapana-panabik na mga yugto ng inyong buhay maging ito man ay sa inyong mga career o personal na pamumuhay.

To the families of these graduating students, isang taos-pusong pagbati at isang pagsaludo sa inyong pagsisikap na maibigay sa mga batang ito ang katangi-tanging kayamanan na kanilang magiging sandata sa hinaharap – Ang Kaalaman na bunga ng Wastong Edukasyon. 

Batid ko ang kasiyahang inyong nararamdaman sa mga sandaling ito at ganyan na ganyan din ang pakiramdam ng aking mga magulang noong ako ay nagtapos ng Sekondarya.

Ang diplomang inyong matatanggap ay isang parangal sa kanilang pagsisikap na itaguyod ang inyong pag-aaral.

Naalala ko noong ako ay magtapos ng Sekondarya, gustung-gusto ng aking mga magulang na bago ang susuutin kong sapatos, damit, at pantalon, ngunit sa hirap ng buhay ay nakuntento na lamang ako sa kung ano ang kaya nilang ibigay. Marahil, ang iba sa inyo ay may handaan pa mamaya. May magpapa-burger.

Life is not a pure bliss, as we move on to the new chapter of our life, marami pa tayong madidiskubre sa ating sarili at sa ating kakayahan. Hindi perpekto ang buhay, at ito ay depende sa gusto nating buhay. Minsan dadaan tayo sa patag na kalsada at minsan naman ay sa baku-bakong daan.

At the end of the day, our goal is to pass through the hurdles and sacrifices. Dapat malampasan natin ang mga pagsubok, yan ang ultimate goal natin sa buhay. Your agility and your strength will be develop habang dumadaan tayo sa iba’t ibang klase ng daan na may iba’t ibang pagsubok.

Sino sa inyo yung mahilig manood ng TV?

Alam nyo bang napaka-mapalad ninyo sapagkat nagtapos kami ng High School noon na walang Telebisyon at sa kapitbahay lang kami nakikinood. Madalas tulog na yung may ari, kami ay nakadungaw pa at naka-upo sa pintuan nila habang nanonood. Di ba ang kapal din naman talaga ng mukha namin noon? Kaming magkakapatid nalang ang nanonood at samantalang sila ay nananaginip na.

Noong mga bata kami, ang ilaw namin ay lampara. Nag-aaral kami gamit ang maliit na bote ng gin na ginawang ilaw. Yung paggising mo kinabukasan, napakaitim na ng loob ng ilong mo. Pati kulangot mo itim na. Sa awa ng Diyos, kapag may nagbebenta ng eyeglasses sa opisina, hindi nila ako magawang mabentahan sapagkat malinaw pa ang aking paningin kaysa sa nagbebenta.

Pumasok sa aking isipan ang isang bagay at ilang katanungan bago ako magtapos ng High School, ano ba ang magandang kurso na walang Mathematics subject at kayang ipaliwanag ang mga nangyayari sa ating buhay. Marami kasi akong tanong sa aking sarili at pakiramdam ko lahat ng iyon ay may kasagutan at doon ako nagka-interes sa pananaliksik o pagre-research. Mayroon bang magpapaliwanag kung may kinalaman ba ang pagbabasa ng aklat sa madilim na lugar sa paglabo ng paningin? Sabi kasi ng mga nakatatanda noon, mabilis daw lumabo ang paningin kapag madalas kang magbasa sa dilim.

Dito ko nadiskubre ang kursong, “Applied Statistics”.

Balik tayo sa tv commercial, sino sa inyo ang nakapanood na ng TV commercial na may pamagat na… “Para kanino ka bumabangon?”. Meron ba sa inyong nakakalam?  May parte kasi sa commercial na ito ang nagpaalala sa aming nakaraan,…. “Kasi kahit anong pait ng buhay kaya itong pasarapin. Parang Nescafe Creamy White, ito lang ang may Nestle Milk. Walang pait! Tinanggal namin ang pait para makabangon kami. Ikaw, Para kanino ka bumabangon?”

Ano ba ng significant ng commercial na ito sa aming buhay?

Our life is like an open book to many.

Dumaan sa iba’t ibang uri ng pagsubok at problema sa buhay, ngunit parang nescafe creamy, inalis namin ang stress at mas lalo naming pina-igting ang aming pagsisikap. Binalewala kung ano ang sasabihin ng mga tao sa amin.

Bilang anak na wala pang kakayahang tumulong sa magulang, hiniwalay ko ang stress at kalungkutan dahil walang mangyayari at hindi namin ikakayaman kung pati ako magmumukmok at magdaramdam sa buhay.

Naniwala ako sa kasabihang, ang buhay ay kung ano ang ginagawa mo.  Tayo ang nagdidikta at gumagawa ng ating kapalaran at ito ay depende sa ating mga ginagawa at gustong gawin sa pang-araw-araw nating pamumuhay. Kung gusto mong umasenso, magsumikap ka at  gumawa ng paraan.

Bilang mga anak, huwag na tayong dumagdag sa alalahanin ng ating mga magulang. May mga pagkakataong walang-wala ang ating mga  magulang, may pagkakataong aalipustahin ang ating mga magulang, may pagkakataong pagtatawanan ang ating mga magulang dahil sa kawalan ng pera. Huwag kayong magpa-apekto, huwag kayong magagalit sa kanila kung sakaling kutyin kayong walang pera at mahirap, huwag ninyong gawing miserable ang inyong bahay dahil lang walang maipantustos ang inyong mga magulang. Magpatuloy lang kayo at huwag ma-distrak sa pag-abot ng inyong mga pangarap.  Gawin ninyong motivation ang nararanasan ninyong pagsubok at paghihirap upang itayo at abutin ang inyong mga pangarap. Katulad ng tv commercial, itabi ninyo ang pait.

Nagtuturo ang aking “Inay” sa Dilasag Central School. Doon sa kabilang side. Sa mga nakaka-alala pa, ang aking nanay ay si Gng. Bella T. Bongolan at ang aking “Itay” naman ay isang pulis dito sa Dilasag, siya si Ginoong Virgilio P. Bongolan. Marahil ang ilan sa inyo ay naaalala pa sila.

Hindi naging madali ang kapalaran sa akin.

Sa aking kalagayan, kailangan kong patunayan sa aking sarili na kaya ko ang lahat ng bagay na nagagawa ng mga normal na kabataan. Mahirap pero kailangan itago ko sa lahat na ako ay nahihirapan dahil ayaw kong ako ay kaawaan.

May mga sandaling ihing-ihi na at taeng-tae nako, ngunit kailangan kong tiisin at hintayin ang patak ng orasan sa ganap na alas dose ng tanghali, dahil sa aking kalagayan. Isang araw, hindi ko na napigilan ang dumumi. Oras ng RECESS ng umalis ako sa aming room ng walang paalam dahil sa ako ay nahihiya. Gumapang ako mula sa school hanggang sa aming bahay. Pinagpawisan ako ng husto dahil sa init ng araw. Sa init ng mga bato at semento, gasgas at pudpod ang aking mga kuko at tuhod ng dumating ako sa bahay. Kapag naaalala ko ang mga sandaling ito, I couldn’t help, but cry. Natutuwa ako na naluluha sapagkat nalampasan ko ang yugtong iyon ng aking buhay.

Taong 1991, almost 27 years na ang nakalilipas nang maganap ang pinakalamakas na lindol sa kasaysayan na gumiba sa Hyatt Terrace Hotel at Hotel Nevada sa Baguio City na kumitil ng maraming buhay. Nang mga sandaling iyon, kitang-kita kong nagkakalamat ang ding-ding ng aming room, ang paggalaw ng mga upuan, subalit wala akong magawa upang lumikas at iligtas ang aking sarili. Tapos na ang lindol at wala na rin aftershocks ng binuhat ako ng isa kong kaklase.

Hindi pa kasi ako marunong gumamit ng saklay noon. Inihahatid kasi kami ng aking tatay sa school bago siya pumasok sa kanyang trabaho. Sa room ng aking nanay ang meeting area namin. Bago mag-umpisa ang klase, inihahatid ako ng aking nanay sa room. Nakakapit lang ako sa kanyang baywang. Susunduin naman nya ako sa hapon. 

Noong nag-uumpisa akong mag-aral gumamit ng saklay, nasa grade 3 na ako noon. Naaalala ko pa patong-patong na gasgas na ang aking tuhod dahil nag-umpisa ako sa isang hakbang, isang bagsak. Nag-effort pa ang aking tatay na maglagay ng kawayang makakapitan ko sa paglalakad mula sa loob ng bahay hanggang sa harap para matutuhan kong ihakbang ang aking mga paa kahit papano but all effort was became wasted.

Mula ng tumuntong ako ng pag-aaral, hindi ko ramdam ang aking kapansanan dahil lagi akong sinasali ng aking mga kaklase sa mga laro tulad ng patintero, batuhan-bola, takbuhan, siatong at ibang laro noong aming kabataan. Advantage kasi mahaba ang mga kamay ko, isama mo pa saklay ko. Wala talagang makakalusot at mabilis din akong tumakbo noon.

Panibagong pagsubok ang dumating sa aming buhay bago ako magtapos ng Elementarya when my father lost his job for a very personal reason. Tanging ang aking ina ang sumuporta sa pangangailangan ng buong pamilya.  Dito namin naranasan ang sobrang hirap ng buhay. Kumain ng isang beses sa isang araw, magtyaga sa lugaw na luya lang ang sahog para maging lasang arroz caldo. Wala na rin magtiwalang magpa-utang sa aking magulang dahil sa kawalan ng mapagkakakitaan. May pagkakataon pa nga iniimbitahan ang aking magulang sa barangay dahil sa di pagbabayad ng utang. Batid ko ang hirap ng ganoong sitwasyon, ngunit wala akong magawa.  Sinikap ko pa ring makatapos ng high school. 

Lingid sa kaalaman ng aking mga magulang, noong high school ako, humingi ako ng tulong sa DSWD, sa Kura-paroko, sa President, Bise president, at ilang senador. Maging ang president ng Amerika ay sinulatan ko upang humingi ng tulong. Ang natanggap ko lang ay confirmation na natanggap na nila ang aking sulat.

Dahil sa pangyayaring ito, nabuo ang aking pangarap na maging isang abogado.


Bago magtapos ng High School, nagpasama ako sa aking nanay para magpunta sa Maynila upang kumuha ng Entrance Exam sa PUP, at dumiretso sa CHED upang mag-inquire ng scholarship. Day during my graduation, nakatanggap ako ng sulat mula sa PUP at CHED. Pasado ako sa exam.

Bago magtapos ng High School, narinig ko ang isang kapwa guro ng aking nanay. Pinapayuhan nya ang aking nanay na i-enroll nalang ako sa TESDA, yung gumagawa ng sirang TV, washing machine, etc. dahil saying lang daw kung pag-aaralin ako sa Kolehiyo dahil wala daw kumpanyang tatanggap sa akin. Sa halip na malungkot ay ginawa kong challenge ang aking narinig. Gusto kong patunayan na kaya kong magtagumpay.

Sa pagtungtong ko sa Kolehiyo, hindi rin naging madali ang aking naging buhay. Unang-una, malayo ako sa aking mga magulang at wala akong malalapitan in case of emergency. Nagpalipat-lipat ako ng matitirhan dahil sa paghahanap ng lugar na mas convenient sa pang araw-araw. May mga landlord kasi na mahigpit. May mga bahay naman na pumuputok na ang kuryente pero di pa nila pinapagawa, mag iispark lang daw yun at hindi naman tuluyang puputok. Until I ended up sa isang maliit na bahay sa may riles ng tren. Halos tatlong taon akong tumira sa riles ng tren sa Sta. Mesa,Manila. Safe naman ang lugar, pero sobrang sikip ng eskinita palabas patungo sa PUP.

Kapag maulan, hindi na ako pumapasok dahil hindi ko naman kayang akyatin ang 6 floor ng PUP. Mayroong dome o hagdan na elevated kaso kapag tag-ulan basa ang semento baka dumausdos ko pababa at baka kung ano pa mangyari sa akin.

Wala akong pinalampas na pagkakataon, sumali ako sa mga pang akademikong patimpalak. Kahit yung TV Commercial ng Surf ni Lumen na magpapadala ng mga raffle entries, sinasalihan ko yan. Lahat ng mga pakontes na may pa-premyong pera ay hindi ko pinalampas. Sinalihan ko rin ang mga timpalak sa pagsulat ng sanaysay. Pinagsabay ko rin ang pag-aaral at pagtatrabaho sa isang call center noong ako ay nasa Kolehiyo. Dahil ayaw ko ng mag-alala pa an gaming magulang kung ako ba ay nakakakain ng tama sa oras.  Buti na lang at dahil sa ginagawa ko ay nakilala ako sa aming Unibersidad at may mga Dekano or Dean na nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa akin. Mayroon isang dean ng kagawaran ng Filipinolohiya ang nagpatawag sa akin isang araw. Nasa klase ako noon, akala ko kung anong meron dahil wala naming okasyon o activity. Idinulog pala ng Dean ang aking buhay sa kanyang mayamang kaibigan dahil naaawa daw sya sa akin. Isang pilantropo ang nagbigay sa akin ng tulong pinansiyal at isang bagong sapatos.

Nang makatapos ako ng pag-aaral, wala akong inaksayang panahon kaya naghanap na ako ng trabaho kasma ang mga bestfriends ko. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na lalabas ako ng Unibersidad at ng aming tinitirhan upang maghanap ng trabaho. Apat na taon kasing School-bahay lang inatupag ko. Ni hindi ako sumasama sa mga kaklase ko kapag nag-su-swimming sila or outing. Dahil dito, kasama ko lagi ang mga matatalik kong kaibigan. Dahil di ko pa kabisado ang pagsakay sa jeep, taxi kami madalas hanggang sa dumating ang pagkakataon na makahanap na sila ng trabaho at ako ay naiwang mag-isa.

Isang buwan na pero hindi pa rin ako nakapagtrabaho. Nawawalan na ako ng kompiyansa sa aking sarili at masyado na akong stress sa aking buhay at pakiramdam ko nab aka iyon na ang katapusan ng aking pangarap. Baka kailangan ko ng itigil ang aking pangarap. Tama nga yata yung sinabi ng teacher noon. Sa pagkukumpuni ng mga sirang appliances nga yata ako nababagay.

Habang nakahiga ako, binuksan ko ang isang AM Station, sakto isang batas ang napakinggan ko na ang lahat ng sangay ng Gobyerno at maging ang mga pribadong kumpanya ay dapat maglaan ng 1% ng kanilang manpower para sa mga PWD na may kwalipikasyon. Nabuhayan ako ng loob kaya maaga akong nagpunta sa Department of Labor ang Employment upang mag-apply ng trabaho dala ang isang article sa labor code. Halos isang taon akong tumagal sa aking trabaho. Dahil kasama ko sa opisina ay pawang mga abogado, pinasya kong kumuha ng Abogasya sa PUP.

Isang taon ang lumipas at nakatangap ako ng tawag mula sa isang pribadong kumpanya, inalok akong maging isang Company Statistician at dinoble ang tinatanggap kong sahod. Natuwa ako at pina-unlakan ang imbitasyon. Nagtrabaho ako sa Manila Teachers Mutual Aid System bilang isang Statistician. Siguro lahat ng teachers alam ang MATMAS? Tama, isa ako sa mga naging katuwang ng kumpanya sa pagpapalaki at pagpapaigting ng kanilang serbisyo sa kaguruhan. Noong una, mahirap yung pag a-adjust na ginawa ko, kailangan kong umalis ng 5:30 ng madaling araw to 6:00am para eksaktong 9 ng umaga nasa opisina na ako kasi hindi ako pwedeng makipagtulakan sa bus. Kailangan kong maglaan ng ilang oras sa pag-aabang ng sasakyan. Sa hapon ay kinakailangan kong magtagal ng hanggang alas-dyes ng gabi upang makaiwas sa traffic. Kapag araw ng Poong Nazareno, walang sasakyan ang nakakadaan sa Quiapo kaya nilalakad ko ang kahabaan ng UN Avenue hanggang sa Sta. Mesa. Halos 4 na oras ang tinatagal ko sa paglalakad kaya noon naka-leave na ako.

During those period, I was currently enrolled sa Law School. Araw-araw ang schedule ko sa PUP College of Law. Madalas akong late sa school dahil sa hirap sumakay ng jeep. Kapag maulan, lalo nang mahirap mag-commute kasi hinihintay ko pang tumila ng bahagya ang ulan at saka ako uuwi mula sa opisina. May mga pagkakataong pumapasok pa rin ako sa school kahit basing-basa ako sa ulan. May pagkakataon nga na kailangan kong pumasok dahil araw ng pagsusulit. Malakas ang ulan at ang lahat ay nagmamadaling umuwi. Nahulog ako sa likuran ng Jeep dahil hindi pa ako nakakababang mabuti, humaharurot na ang jeep. Putikan ako ng sandaling iyon, pero dumiretso pa rin ako sa school. Mahigpit kasi sa Law School,kapag nag-umpisa na ang klase, di ka na pwedeng pumasok. Pero hindi ako sumuko kahit kulang na kulang na ang schedule ko. Hindi lang isa, dalawa, o tatlong beses akong nahulog sa sasakyan noon, maging sa bus ay nahuhulog din ako.

After 2 years, lumipat ako sa Arellano University bilang isang University Statistician. Iba pala talaga kapag hilig mo at gusto moa ng ginagawa mo. Hindi ko namalayan na nakakalimang taon na pala ako at ni hindi man lang tumaas ang sahod. Ipinasya kong kumuha ng Masterate in Applied Statistics.

Nagmumuni-muni ako isang-araw, sabi ko sa sarili ko, higit limang taon na akong nagtatrabaho ngunit wala man lang akong ipon at nabibili. Gusto kong tumulong sa aking mga magulang gaya ng una kong plano kaya ako nagsikap makatapos.

Lumipat ako ng trabaho hanggang sa tumaas ng tumaas ang aking sahod mula sa 5-digits ay nagging 6 digits na ito kada buwan. Nasabi ko sa aking sarili na sapat na at nakuha ko na ang aking minimithi sa buhay. Nakakatulong na ako sa aking mga magulang, nakabili na ako ng sariling bahay at lupa, nakabili na ako ng mga sasakyan, nakapunta na ako sa iba’t ibang bansa. Nakarating sa iba’t ibang tourist destinationsa Pilipinas at sa ibang bansa. Ano pa ba ang hahanapin ko. Nasa akin na ang lahat. Mataas na sahod. May sariling sasakyan, may sariling bahay. Simple pa rin naman ang aking nagging pamumuhay. Dumami ang mga kaibigan ko, dumami ang mga kakilala ko. Naging mabango ang aking pangalan.

Nailathala din sa Philippine Daily Inquirer ang aking pakikipagsapalaran, naipalabas din sa DZRH ang aking buhay, Naipalabas din ang aking buhay at pakikipagsapalaran sa Light Channel 33, ANC at GMA 7 noong 2016. Tunay ngang wala na akong mahihiling pa.

Unang buwan ng 2016, nang mawalan ako ng trabaho dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Wala akong naipon dahil naging kampante ako na sa susunod na buwan may sahod na ako, kaya hindi ko alintana ang paggastos. Hilig ko kasing bumili ng mga gadget at gusto nauuna ako sa uso. Bawat labas ng Iphone, Samsung, gusto ko ako ang lagging unang nagkakaroon bago pa pumatok sa merkado.

Sa mga unang buwan, nakaka-survive pa ako, lumipad ako sa Singapore upang doon makipagsapalaran at maghanap ng trabaho. Subalit bigo ako. Naubos ang nakuha kong separation pay. Lahat ng Credit Cards ay mayroon ako, lahat yun ay may utang ako, kasama na ang mga sasakyan, at ang bahay. Kada Segundo, nagriring ang aking cellphone at bawat tawag ay mga naniningil. Tunay na nakakabaliw at hindi ko na alam ang gagawin ko.

Dahil sa laki nang aking huling sahod, tila wala ng kumpanya ang kayang pantayan ang aking sahod kaya ibinaba ko sa 5 digits ang aking asking salary. Pero bigo ako sa paghahanap ng trabaho. Tanging sa ibang bansa na lang yata ang makakapantay sa aking sinasahod kaya lumipad ako sa Malaysia upang magbakasakali.  Isang taon din akong nabakante, at ang pagpunta ko sa Malaysia ay isang blessing sapagkat natanggap ako bilang Data Scientist.

Umuwi ako ng Pilipinas upang ayusin ang aking mga requirements. At last, nakuha ko ang aking visa. I thought everything was fine at makaka-alis na ako ng bansa, but I was wrong. Kinakailangan pala ng tamang proseso upang ako ay bigyan ng approval ng ating Pamahalaan. Sa tagal ng proseso, hindi ko na kako kaya ang maghintay ng matagal na panahon, I have to decide. Just last month, ay pinaunlakan ko ang imbitasyon ng isang malaking kumpanya. Dali-dali akong pumirma ng kontrata.

Mga minamahal kong kababayan, mga kabataang naririto ngayon, ano ba ng nais kong ipahatid sa inyo sa mga sandaling ito?

Huwag na huwag ninyong isusuko ang inyong mga pangarap. Abutin ninyo ito sa kahit pinakamahirap mang paraan. Sikapin ninyong makatapos ng pag-aaral upang sa kahit anong pagsubok ang dumating sa inyong buhay,malampasan ninyo at mayroon kayong alas na kailanman ay hindi maagaw ng iba – Ang karunungan. Hindi mo kailangang maging achiever at talino. Basta buo ang iyong pangarap, hindi ka kailanman maliligaw ng landas.








Comments

Popular posts from this blog

Ways to Correct Errors in Birth Certificate

Time for Staycation: A Time To Pamper Ourselves after Long Days of Working.

COMIDA CRAVINGS FOOD SHOP